Mahigit 100 overseas Filipinos na biktima umano ng human trafficking ang naiuwi ng pamahalaan mula Laos, Myanmar at Cambodia, ayon sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Dumating ang mga na-repatriate sa bansa sa pagitan ng Hulyo 31 at Agosto 9; 77 mula Laos, 38 mula Myanmar at lima mula Cambodia.
Ayon sa IACAT, niloko ang mga biktima sa pamamagitan ng pekeng online job offers at pinilit magtrabaho bilang scammers sa “love scam” hubs.
Kabilang sa mga inireport na pang-aabuso ang isolation, pananakit, at maging sapilitang aborsyon at panggagahasa.
Pagbalik sa bansa, binigyan sila ng pinansyal, medikal at psychosocial na tulong, pati pansamantalang matutuluyan bago makauwi sa kanilang mga probinsya.
Inaasahan ng IACAT ang dagdag pang repatriation sa mga susunod na araw, kabilang ang mula Baghdad, Nigeria at Kurdistan.