-- ADVERTISEMENT --

Tinatayang higit 1 milyong Pilipino na ang apektado ng dementia, ayon sa Department of Health (DOH), kasabay ng panawagan para sa mas malawak na kaalaman, maagang pag-iwas, at mas matibay na suporta para sa mga pasyente at kanilang pamilya.

Sa paggunita ng World Alzheimer’s Month, sinabi ng DOH na nasa 10% ng mga nakatatanda sa bansa ang posibleng may dementia, karamihan ay dulot ng Alzheimer’s disease. Tumataas na rin ang kaso ng Lewy Body Dementia, na may sintomas tulad ng halusinasyon, hirap sa paggalaw, at pagbabago sa asal.

Binigyang-diin ng DOH na hindi lamang pagkawala ng memorya ang senyales ng dementia kundi pati pagbabago sa ugali at personalidad.

Bilang pag-iwas, inirerekomenda ang balanseng pagkain, maayos na pamamahala ng chronic illnesses, at pagpapanatili ng aktibong isipan at pakikisalamuha, lalo na sa mga nakatatanda.

Nagbabala rin ang DOH laban sa maling impormasyon sa internet kaugnay ng mga supplement para sa dementia, at nilinaw na walang inaprubahang produkto para rito.

-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan ang ahensya sa mga pamilya at komunidad na tiyaking may dignidad at sapat na pag-aalaga ang mga nakatatanda, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng kaso kasabay ng pagtanda ng populasyon.