-- ADVERTISEMENT --

Apektado ang kabuuang 94,226 katao o 24,468 pamilya mula sa 30 barangay sa Region 6 (Western Visayas) at Region 7 (Central Visayas) dahil sa patuloy na aktibidad ng Bulkang Kanlaon, ayon sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nasa 1,886 pamilya (mahigit 6,000 indibidwal) ang kasalukuyang nanunuluyan sa 20 evacuation centers, habang mahigit 3,000 pamilya (mahigit 10,000 indibidwal) ang pansamantalang nakikitira sa mga kamag-anak o kaibigan. Sa kabuuan, nasa 5,179 pamilya ang nananatiling displaced sa dalawang rehiyon.

Iniulat din na 5,032 kabahayan ang napinsala, kabilang ang isang ganap na nasira at 5,031 na bahagyang napinsala.

Bilang tugon, nakapagbigay na ang DSWD, lokal na pamahalaan, at mga non-government organizations (NGOs) ng mahigit ₱309 milyon na halaga ng ayuda. Siniguro rin ng DSWD na sapat pa ang Quick Response Funds sa kanilang central at field offices para sa patuloy na distribusyon ng relief goods at iba pang tulong.