-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Magpapakalat ng mahigit 6,500 tauhan ang Police Regional Office 6 (PRO-6) upang matiyak ang seguridad ng publiko sa paggunita ng Undas sa Nobyembre sa buong Western Visayas.

Ayon kay P/Maj. Lailyn I. Sencil, hepe ng Regional Public Information Office at spokesperson ng PRO-6, magpapatupad ang pulisya ng police visibility, mobile patrols, checkpoints at police assistance desks sa mga sementeryo, terminal at matataong lugar.

Makikipag-ugnayan din ang PNP sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya para sa maayos na daloy ng trapiko at pag-iwas sa krimen.

Pinayuhan naman ang publiko na ikandado ang mga bahay bago umalis, inspeksyunin ang mga sasakyan at bantayan ang mga personal na gamit upang matiyak ang ligtas at mapayapang paggunita ng Undas.