KALIBO, Aklan — Nasa P52 milyong halaga ng imprastraktura ang naiwang pinsala ng Bagyong Crising sa Western Visayas.
Ito ay batay sa Calamity Damaged Infrastructure Report ng Department of Public Works and Highways Region 6.
Sa naturang halaga ng pinsala, P43 milyon ang naitala sa probinsya ng Aklan at P9 milyon sa probinsya ng Antique.
Kabilang sa mga nasirang imprastraktura ay ang Aklan River Revetment sa Brgy. Mobo, Kalibo, Aklan; Tigum Bridge sa Brgy. Tigum, Buruangan, Aklan; Flood control projects sa 3 bayan sa Antique; at Abierra Bridge sa bayan ng Sebaste, Antique.
Samantala, umabot naman sa 176 kabahayan sa Western Visayas ang nasira dahil sa bagyo.
Sa ngayon patuloy pa ang assessment ng DPWH-6 at iba pang miembro ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council 6 sa iba pang lugar na napinsala ng Bagyong Crising sa Western Visayas.