-- ADVERTISEMENT --

Mariing binatikos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P264-milyong rock shed project sa Kennon Road sa Tuba, Benguet matapos matuklasang palpak at hindi nakapagbigay ng proteksyon laban sa landslide at rockfall.

Tinawag ng Pangulo na “sayang na pera” ang proyekto matapos agad masira ang slope protection.

Ayon sa kanya, aabutin ng halos P500 milyon ang muling pagpapatayo nito.

Kasama ni Marcos sa inspeksiyon sina Baguio Mayor Benjamin Magalong, Tuba Mayor Clarita Sal-ongan, at mga opisyal ng DPWH-CAR, na siyang nagpapatupad ng proyekto gamit ang pondo mula sa 2022 national budget.

Ibinulgar din ng Pangulo ang sobrang singil sa rock netting mula sa aktuwal na halagang P3,200 ay ginawa umanong P12,000 kada unit.

-- ADVERTISEMENT --

Giit niya, 75% ng kontrata ay napunta sa “kickback,” bagay na tinawag niyang seryosong uri ng katiwalian.

Dagdag pa ni Marcos, nawalan ng halos 35% ng kabuhayan at negosyo ang mga residente dahil sa road closure dulot ng palpak na proyekto.

Iginiit niyang hindi siya titigil sa pagtugis sa mga tiwaling pulitiko at kontraktor na sangkot sa substandard na flood control projects.

Inihayag din ng Pangulo na ibabalik ang partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan sa pagtanggap at pag-inspeksiyon ng mga proyekto, at hinimok ang publiko na magsumbong ng iregularidad sa sumbongsapangulo.ph.