-- ADVERTISEMENT --

Matibay na ebidensya at kredibilidad ng mga testigo ang sagot para mapabilis ang kaso.


Ito ang pahayag ni Atty. Harry Sucgang, isang political analyst sa probinsya, kaugnay sa isyu ng mga nawawalang sabungero.

Ayon sa kanya, kinakailangan ito upang mapabilis ang kaso dahil kung mahina ang ebidensya at testimonya, ang mga akusado ay may presumption of innocence kaya’t kung kulang-kulang ang mga ebidensya, maaring ma-acquit ang mga ito.

Kinakailangan din na matagpuan ang mga sabungerong sinasabing inilibing sa Taal Lake dahil kung walang tinatawag na corpus delicti o katawan ng krimen, hindi mapapatunayan na nagkaroon nga ng krimen.

Dagdag pa niya, maaari namang gamitin na ebidensya ang mga verbal na pahayag ng testigo, subalit kinakailangan pa rin itong suportahan ng kahit isa pang saksi. Dahil kung iisang testigo lamang, maaaring sabihin na naglalayon lamang itong pagkakitaan ang mga akusado.

-- ADVERTISEMENT --

Kung may probable cause o may posibilidad na ginawa nga ng mga akusado ang krimen, maaari na silang isyuhan ng warrant of arrest at kasuhan ng murder, kung saan walang piyansa.

Dagdag pa ni Atty. Sucgang, upang mas maging solid ang kaso laban sa mga itinuturong sangkot sa nasabing krimen, kinakailangan na may makita o mahukay kahit isang bahagi ng katawan — kahit kamay — mula sa sinasabing pinaglibingan ng mga nawawalang sabungero. Kapag nangyari ito, magiging 82% na mas matibay ang testimonya ng nasabing testigo.

Normal rin umano na taktika ng mga akusado ang pagsasampa ng kaso laban sa testigo upang ma-discourage ito sa kanyang mga alegasyon.

Kung mapapatunayan ang mga akusasyon, ang gobyerno mismo ang magsasampa ng kaso laban sa mga dapat managot sa naturang krimen.