KALIBO, Aklan—Umapela sa pamahalaan ang Kabataan Partylist na palakasin ang suporta sa mga senior citizen o sa mga matatanda sa halip na iasa sa mga anak ang kanilang pang-araw-araw na kakailanganin o gastusin.
Ang panawagan ni Kabataan Partylist representative Atty. Renee Co ay kasunod sa panukalang batas ni Sen. Panfilo Lacson na maaaring ma-obliga ang mga anak na suportahan ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng korte.
Binigyang diin ni Atty. Co na hinde dapat gawing retirement plan ang mga anak kundi dapat tiyakin ng pamahalaan na magkaroon ng sapat na trabaho, mataas na pasahod at serbisyong panlipunan upang hindi pasanin ang pagtulong sa magulang.
Iginiit pa nito, ang nasabing panukala ay humihikayat ng mas malawakang korapsyon at hindi dapat gawing batas ang pagbabayad ng utang na loob sa mga magulang.
Dagdag pa ni Atty. Co na hindi mahihirapan na magsuporta ang mga anak sa kanilang mga magulang kung may sapat na kita mula sa pasahod sa kanilang trabaho at kailangan na maabot ang maayos na batayan ng serbisyo ng gobyerno.
Nabatid na nakasaad sa Family Code ang tungkulin ng mga anak sa magulang gayundin may umiiral na mga benepisyo para sa senior citizens gaya ng diskwento at social pension.