KALIBO, Aklan—Umuusad na ang planong pagpapatayo ng tulay na kokonekta sa bayan ng Malay, Aklan at isla ng Boracay matapos na mapabilang ang proyekto sa nilaanan ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa Public-Private Partnership (PPP) Infrastructure Projects.
Ang 1.2-kilometrong Boracay bridge, kabilang ang 25 na iba pang infrastructure projects ay may bahagi sa P4.6 bilyon pesos na pondo para sa PPP projects sa 2025 budget ng DPWH.
Ang unsolicited project proposal ng San Miguel Holdings Corporation (SMC) para sa Boracay bridge ay nasa negosasyon na mula pa noong buwan ng Pebrero ng kasalukuyang taon matapos na nailatag ng kompanya ang kumpletong proposal noong Enero 2019 at nakatanggap ng original proponent status.
Samantala, nagpahayag ng saloobin si Godofredo Sadiasa, sangguniang bayan member ng Nabas, Aklan at consultant ng Caticlan-Boracay Transport Multi-Purpose Cooperative na ikinagulat nila ang muling pagkabuhay ng planong proyekto matapos ang limang taon na tumahimik ito.
Hindi aniya sila hadlang sa pag-unlad ng Boracay ngunit dapat na maging inclusive development dahil malaki ang magiging epekto nito sa kabuhayan ng mga bangkero.
Dagdag pa ni Sadiasa na sinikap nila na maging modernized ang kanilang mga bangka batay sa ipinalabas na alintuntunin ng Maritime Industry Authority na hanggang sa ngayon ay may utang pa ang mga ito sa mga government bank.