-- ADVERTISEMENT --

Sumang-ayon ang mga partidong pulitikal sa Indonesia na bawasan ang ilang pribilehiyo at allowance ng mga mambabatas matapos ang malawakang kilos-protesta laban sa gobyerno, ayon kay Pangulong Prabowo Subianto.

Sa nakalipas na linggo, naganap ang serye ng demonstrasyon sa iba’t ibang lungsod kabilang ang Jakarta, bunsod ng mga isyung gaya ng mataas na dagdag na allowance para sa mga mambabatas, halos sampung ulit ng minimum wage.

Lalong lumala ang galit ng publiko nang mamatay ang isang 21-anyos na ride-sharing driver matapos masagasaan ng sasakyan ng pulisya sa gitna ng protesta.

Tatlo ang nasawi nang sunugin ng mga raliyista ang gusali ng isang regional parliament.

Ilang ari-arian, kabilang ang bahay ng finance minister, ang nilusob ng mga nagpoprotesta.

-- ADVERTISEMENT --

Gumanti naman ang mga pulis gamit ang tear gas laban sa mga nagbato ng Molotov cocktail at paputok.

Inihayag ni Pangulong Prabowo na kabilang sa mga babawasan ay ang laki ng allowance at ipinataw din ang moratorium sa mga biyahe abroad ng mga opisyal.

Gayunman, giit ng mga lider-estudyante, hindi sapat ang hakbang na ito at patuloy pa rin ang bantang mga kilos-protesta.

Nanawagan ang mga raliyista ng mas mataas na sahod, mas mababang buwis, mas matibay na laban sa korapsyon, at mas maayos na pagtrato mula sa kapulisan.