-- ADVERTISEMENT --

HEALTH News — Nagbabala ang ilang medical society sa bansa sa pagdami ng mga Pilipinong nagkakaroon ng sakit sa puso, bato at metabolic disorders dahil sa naantalang paggamot sa obesity.

Nagkasundo ang Philippine College of Endocrinology, Diabetes and Metabolism, Philippine Heart Association, Philippine Society of Nephrology at Philippine Association for the Study of Overweight and Obesity na palakasin ang kanilang pagtutulungan upang tugunan ang lumalalang kaso ng obesity at mga kaugnay nitong sakit.

Batay sa datos, 39.8% ng mga adultong Pilipino ang obese at 17.3% ang overweight, habang tinatayang 29.5 milyong Pilipino ang may labis na timbang. Posibleng umabot ito sa 44.8 milyon pagsapit ng 2040 kung hindi agad matutugunan ang problema.

Binigyang-diin ng mga eksperto ang kahalagahan ng maagang pagsusuri, pagbabago sa pamumuhay at tamang paggamot upang maiwasan ang mga komplikasyon tulad ng diabetes, hypertension at chronic kidney disease.