Ipinag-utos ng Korte Suprema ang limang araw na suspensyon ng trabaho sa piling korte sa Iloilo City, Cebu City, Bogo City, at Roxas City mula Oktubre 6 hanggang 10 upang bigyang-daan ang inspeksyon ng mga istruktural at elektrikal na kondisyon ng mga gusali matapos ang magnitude 6.9 na lindol noong nakaraang linggo.
Batay sa OCA Circular No. 291-2025 na inilabas nitong Sabado, Oktubre 4 ni Court Administrator Ma. Theresa Dolores C. Gomez-Estoesta, sakop ng suspensyon ang lahat ng first- at second-level courts sa mga naturang lugar.
Ang hakbang ay inaprubahan ni Acting Chief Justice Marvic M.V.F. Leonen bilang pag-iingat matapos maapektuhan ng lindol ang ilang bahagi ng Cebu at maramdaman sa iba’t ibang bahagi ng Visayas.
Sa panahon ng suspensyon, mananatiling on-call ang mga hukuman para sa mga madaliang judicial action gaya ng aplikasyon para sa piyansa, release orders, petitions for habeas corpus, at marriage solemnization.
Hinikayat din ang mga hukom na magsagawa ng videoconferencing para sa mga sensitibong kaso tulad ng arraignment at pre-trial upang maiwasan ang pagkaantala ng mga proseso.
Inatasan naman ang mga executive at presiding judges na maghanap ng alternatibong lugar para sa pagdinig at makipag-ugnayan sa kanilang regional court managers.
Bagama’t walang naitalang malaking pinsala sa mga gusali ng korte sa Iloilo, nagpasya ang hudikatura na magpatupad ng precautionary suspension upang masiguro ang kaligtasan ng mga kawani at litigant.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 70 katao ang nasawi at daan-daan ang nasugatan, karamihan sa Hilagang Cebu, bunsod ng lindol noong Setyembre 30.