HEALTH News — Iniulat ng World Health Organization (WHO) na patuloy ang pagtaas ng mga kaso at nasawi sa cholera sa buong mundo sa taong 2024, kung saan umakyat ng 50 porsyento ang bilang ng mga namatay kumpara noong 2023.
Ayon sa datos ng WHO, tumaas ng 5 porsyento ang kabuuang kaso ng cholera habang lumampas sa 6,000 ang mga nasawi mula sa sakit na maaaring maagapan at gamutin.
Tinatayang 60 bansa ang nakapagtala ng cholera cases ngayong taon, mas mataas kaysa 45 bansa noong nakaraang taon.
Itinuturong dahilan ng pagkalat ng cholera ang patuloy na epekto ng kaguluhan, pagbabago ng klima, sapilitang paglikas ng populasyon, at kakulangan sa maayos na pasilidad para sa tubig, sanitasyon, at kalinisan.
Binigyang-diin ng WHO ang pangangailangan sa mas malawak na access sa ligtas na inuming tubig, tamang impormasyon sa publiko, agarang paggamot, pagbabakuna, at pinalakas na surveillance at diagnostic tools. Hinikayat din ang mas malaking pamumuhunan para sa produksyon ng bakuna kontra cholera.