Ipinakita nitong Martes ng dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Brice Hernandez ang mga larawang nagpapatunay umano sa pagkakasangkot ng mga mambabatas sa mga anomalya sa flood control projects, kabilang ang salansan ng pera para umano sa mga proyekto.
Sinabi ni Hernandez na kinuha niya ang larawan sa Bulacan 1st District Engineering office noong 2022 hanggang 2023.
Sinabi ni Hernandez na ang naka-blue shirt na nakunan sa tabi ng mesa ay ang kanyang “boss,” na dating inhinyero ng DPWH Bulacan 1st District na si Henry Alcantara.
Isa pang larawan ng isang stack ng pera ang nakunan sa kanilang “tambayan,” isang pribadong tirahan sa loob ng paligid ng kanilang opisina.
Ang perang ito aniya ay hindi pag-aari ni Alcantara, kundi ng iba.
Idinagdag niya na ang pera ay inilaan upang maihatid sa mga ‘proponent’ ng proyekto. “May mga designated persons po na pagbibigyan niyan.”
“As far as my knowledge is concerned, ibibigay po iyan sa tao, yun nga pong tinatawag na proponent na kausap niya,” saad pa niya.
Gayunpaman, sinabi ni Hernandez na hindi na niya matandaan kung kanino inihatid ang pera sa mga larawan.
Aniya, normal na sa opisina ng DPWH ang ganitong salansan ng pera. “Sa office po namin, normal po iyan.”