-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Umabot na sa 42,555 na pamilya o 133,554 na indibidwal mula sa 789 na barangay sa buong Western Visayas ang nailikas papuntang evacuation centers hanggang ngayong araw ng Martes, ayon sa Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 6.

Sa gitna ito ng patuloy na pagbuhos ng ulan at malakas na hangin bunsod ng Bagyong Tino.

Sa nasabing bilang, 7,966 na pamilya o 27,568 na indibidwal ang mula sa lalawigan ng Aklan, kung saan, isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal  No. 4 ang  Southern Portion ng Aklan sa Libacao, New Washington, Banga, Altavas, Madalag, Balete at Batan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Therese Fely Legaste,  public information officer ng DSWD Region 6, nakaalerto na ang kanilang quick response teams (QRTs) upang asistihan ang mga LGUs sa pag ayuda sa mga pamilyang apektado ng bagyo.

Ito ay matapos na inilagay ang kanilang Regional Emergency Operations Center sa Red Alert status.

Sa kabilang daku,  sinabi pa ni Legaste na mayroong 105,181 family food packs (FFPs) na nagkakahalaga ng P62.19 milyon ang naka-prepositioned na sa kanilang iba’t-ibang warehouses sa Western Visayas.

Maliban sa mga regular boxes ng FFPs, naka-prepositioned na rin ang mga ready-to-eat food na nagkakahalaga ng P2.4 milyon at non-food items na P25.8 milyon.

Mayroon din umano silang standby fund na P2.79 milyon.

Nakapamahagi na rin umano sila ng mga pagkain sa mga pasaherong apektado ng sea-travel suspensions lalo na sa Caticlan jetty port.