Muling nababahala ang mga residente sa Barangay Jumarap, Banga matapos na ang bahagi ng kanilang seawall ay nag-collapse kasunod ng malakas na daloy ng tubig sa Aklan river dahil sa mga pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Ayon kay Mr. Rolando Reyes, residente sa nasabing lugar na halos hindi na sila natulog kagabi sa pagbabantay matapos na masira ang bahagi ng seawall dakong alas-8:00 ng gabi.
Apela niya sa mga kinauukulan na aksyunan kaagad ang kanilang problema dahil nasa limang metro na lamang ang layo ng kanilang bahay mula sa ilog kung saan, mabilis ang pagguho ng lupa.
Nasa pitong bahay ang posibleng maapektuhan kung magtuloy-tuloy ang pagguho ng lupa sa gilid ng ilog.
Samantala, hindi manlang umano sumuri sa lugar ang contractor ng proyekto na noong 2023 lamang natapos o nasa dalawang taon pa lamang ang nakakaraan at walang tamang turn-over sa barangay council.
Sa kabila nito, malaki din naman ang pasasalamat nila sa pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagpromisang magpapadala ng heavy equipment para sa gagawing re-channeling ng ilog.
Paniniwala ni Reyes na hindi lamang repair ang kailangan kundi reconstruction sa nasirang seawall.












