Isang pamilya sa Marcala, La Paz, Honduras ang labis na nalungkot at nagalit matapos manakaw ang motorsiklong inilagay nila sa puntod ng kanilang namayapang mahal sa buhay.
Batay sa ulat, bago pumanaw ang binata ay hiniling umano nitong mailibing kasama ang kaniyang minamahal na motorsiklo.
Bilang pagtupad sa huling kahilingan nito, inilagay ng pamilya ang motorsiklo sa tabi ng kaniyang libingan.
Ngunit makalipas ang ilang buwan, laking gulat ng pamilya nang matuklasan nilang nawawala na ang motorsiklo. Ayon sa report, hinihinalang tinangay ito ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Mas nakagugulat pa, dalawang gulong na lamang ang naiwan sa lugar, na nakakabit pa sa konkretong pinaglagyan ng motorsiklo.
Dahil dito, labis na lungkot at galit ang naramdaman ng pamilya, dahil hindi lamang basta sasakyan ang motorsiklo kundi nagsisilbi rin itong alaala ng kanilang mahal sa buhay.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa batid kung sino ang nasa likod ng pagnanakaw.













