-- ADVERTISEMENT --

Iniimbestigahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ulat na umano’y nagtatapyas ng bahagi ng cash assistance ang ilang opisyal sa Barangay Quintin Salas, Jaro, Iloilo City mula sa mga residente sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.

“Ang ayuda para sa mga nangangailangan ay dapat buo nilang makukuha at hindi pwedeng bawiin o bawasan,” ani DSWD spokesperson Irene Dumlao, habang binigyang-diin na mariing kinokondena ng ahensya ang naturang gawain at mananagot ang responsable.

Ayon sa ilang benepisyaryo, natanggap lamang nila ang ₱2,000 mula sa ₱10,000 na dapat sana ay kanilang natanggap, at umano’y kinolekta ng mga opisyal at tanod ang natitirang halaga.

Katulad na reklamo rin ang natanggap mula sa Barangay Lanit, kung saan sinasabing pinuntahan ng mga opisyal ang mga tahanan para kunin ang bahagi ng cash aid.

-- ADVERTISEMENT --

Pinaalalahanan ng DSWD Field Office 6 ang publiko na tanging kwalipikadong indibidwal lamang ang dapat makatanggap ng buong halaga ng ayuda at hinihikayat ang sinumang nakaranas ng ganitong insidente na agad mag-ulat sa pinakamalapit na DSWD office.