BORACAY, Island — Mala-atihan-atihan vibes na sinalubong ng Malay-Boracay Tourism Office ang pagdaong ng MV Villa Vie Odyssey sakay ang nasa 870 pasahero at crew na lumayag mula pa sa Europa at Amerika.
Nananatili magdamag ang cruiseship upang maranasan ng mga turista ang ganda at kultura sa isla.
Ayon kay Captain Valentin Ginglea, bago pa man sila lumayag papuntang Boracay ay dumaan muna sila sa Maynila at susunod na destinasyon ay sa Palawan bago bumyahe papuntang Indonesia.
Bilang nakasanayang aktibidad sa bawat pagtanggap ng mga bisita, may ginanap na Plaque Exchange Ceremony sa gitna ng pamunuan ng barko at lokal na opisyal kasama ang mga kinatawan ng Aklan provincial government, LGU Malay, Philippine Ports Authority, at Department of Tourism Region VI.
Itinuturing ng mga opisyal na patunay ang nasabing pagbisita ng cruiseship na nananatiling malakas ang reputasyon ng Boracay bilang premier cruise tourism destination.
Samantala, inaasahan na may limang cruise ship pa na dadaong sa isla bago matapos ang kasalukuyang taon na nagpapakita ng muling paglakas ng cruise tourism sa Boracay.