KALBO, Aklan — Nagpositibo sa drug test ang isang mangingisda na inaresto ng mga awtoridad dahil sa umano’y tulak ito ng iligal na droga sa ikinasang buy bust operation sa Brgy. Tambak, New Washington, gabi ng Martes, Hulyo 15.
Kinilala ang suspek na si alyas Roy, 32-anyos at residente ng Brgy. Mabilo, New Washington.
Ang operasyon ay sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng PDEU – Aklan, PDEA – Aklan at New Washington Municipal Police Station.
Narekober sa suspek ang isang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P3,600 matapos itong ibenta sa isang poseur-buyer.
Sa pagrekisa, nakuha ang isa pang sachet ng suspected shabu, dalawa sachet sa kaha ng sigarilyo at limang sachet sa nilamukos na aluminum foil.
Halos dalawang linggo rin na isinailalim sa surveillance ang suspek bago isinagawa ang operasyon.
Aminado si alyas Roy na gumagamit siya ng iligal na droga dahil sa kanyang trabaho bilang isang mangingisda.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.