HEALTH News — Ipagpapatuloy ng Department of Health (DOH) ang routine immunization sa buong bansa upang maiwasan ang posibleng outbreak ng tigdas at rubella, habang papalapit sa 95 porsiyentong target coverage ang Mindanao at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon sa ulat ng “Ligtas Tigdas” mula Enero 19 hanggang Pebrero 24, 2026, umabot na sa 82 porsiyento o 2.3 milyong bata edad 6 hanggang 59 buwan sa dalawang rehiyon ang nabakunahan. Pinakamataas ang coverage sa BARMM na 91 porsiyento, sinundan ng Caraga na 87 porsiyento, Regions 9 at 10 na 86 porsiyento, Region 12 na 78 porsiyento, at Region 11 na 65 porsiyento.
Tinatayang mahigit 510,000 bata pa ang hindi pa nababakunahan, kaya nananatiling mataas ang panganib ng pagtaas ng kaso. Magpapatuloy ang regular na pagbabakuna sa mga health center, at hinihikayat ang mga magulang na kumpletuhin ang dalawang dose ng bakuna para sa kanilang mga anak.













