Umani ng reklamo mula sa ilang sektor ang pagpapatupad ng Real Property Tax (RPT) sa lungsod ng Iloilo, dahil sa umano’y mabigat na epekto nito hindi ang sa malalaking negosyo kundi pati na rin sa maliliit na negosyo at karaniwang mamamayan.
Ayon kay Matthew Gonzaga, regional coordinator ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) – Panay, ramdam na ramdam ang pagtaas ng buwis sa mga nagdaang taon, kung saan mas mataas na ang halaga ng buwis na binabayaran ng publiko kumpara sa mga nakaraang taon.
Ipinunto ni Gonzaga na kulang sa impormasyon at konsultasyon ang naging pagpapatupad ng naturang buwis. Hindi aniya malinaw sa mga residente kung kailan ito sinimulan, ano ang naging batayan, at para saan ang dagdag na singil sa RPT.
Dahil dito, nananawagan ang grupo ng transparency mula sa lokal na pamahalaan, partikular sa paglalatag ng paliwanag kung bakit umabot sa 300% ang itinaas ng buwis. Ipinahayag rin nila ang pagkadismaya sa umano’y kakulangan ng konsultasyon sa mga apektadong mamamayan bago ito ipinatupad.