-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang mananatili si Benjamin Netanyahu bilang caretaker prime minister ng Israel matapos mabigo ang kaniyang bloke at ang oposisyon na makakuha ng mayorya sa parliyamento kasunod ng halalan.

Batay sa halos 86 porsiyento ng mga botong nabilang noong Miyerkules, inaasahang makakakuha ng 53 puwesto sa 120-seat Knesset ang bloke ni Netanyahu, habang 48 puwesto naman ang para sa oposisyon na pinamumunuan ni Gadi Eisenkot.

Samantala, inaasahang makakakuha ng 19 na puwesto ang mga partidong kumakatawan sa mga Arabong Israeli.

Dahil dito, mahaharap ang mga partido sa mahihirap na negosasyon upang makabuo ng koalisyon.

Posible ring manatili si Netanyahu sa puwesto hanggang sa susunod na halalan kung walang mabubuong bagong pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kaniyang talumpati, nanawagan si Netanyahu na bumuo ng isang matatag na pambansang pamahalaang maka-kanan.

Binanggit din niya ang posibilidad ng panibagong operasyong militar laban sa Iran kasama ang Estados Unidos.

Samantala, nagbabala si Eisenkot na hindi dapat gamitin ang kapangyarihan ng caretaker government para sa pampolitikang interes.

Naitala sa halalan ang 77.7 porsiyentong voter turnout, ang pinakamataas sa loob ng mahigit dalawang dekada

Ipinakita rin ng resulta ang patuloy na pagbabago sa pampolitikang pananaw ng mga botanteng Hudyo at ang paglakas ng suporta sa mga partidong Arabong Israeli.