-- ADVERTISEMENT --

NEW WASHINGTON, Aklan — Arestado at kasalukuyang nakakulong ang isang oil tanker driver sa isinagawang drug buybust operation ng mga awtoridad, umaga ng Miyerkules,  Hulyo 23 sa Barangay Dumaguit, New Washington.

Base sa report ng New Washington Municipal Police Station, kinilala ang suspek na si alyas Roberto, 36 anyos at residente ng Calinog, Iloilo.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na ikinasa ang operasyon matapos makumpirma ang isang tip mula sa mga asset.

Halos isang buwan umano itong isinailalim sa surveillance at dalawang beses na na-test-buy kung saan kagabi ang pinakahuli.

Narekober sa operasyon ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu at P1,500 na ginamit na  buy bust money.

Dagdag pa na nakuha sa kanyang posesyon at kontrol ang 13 na sachet ng pinaghihinalaang  shabu na nakabalot sa papel habang ang iba ay nakasilid sa isang pouch kasama ang ilang mga ATM cards, IDs, lighter at drug paraphernalias.

Matapos na kumagat sa transaksyon at nabentahan ang poseur buyer ay agad na hinuli ang suspek sa kanilang tambayan.

Aminado naman ang suspek na gumagamit siya ng shabu upang malabanan nga antok sa malayuang biyahe mula Iloilo papuntang Dumaguit sa kanilang oil depot.

Mistulang “high” pa umano ang suspek nang maaresto.

Itinuturing itong Street Level Individual na ang sakop ng operasyon ay Aklan, Capiz at Iloilo.

Samantala, mungkahi ni  P/Major Mark Darrell Villanueva, hepe ng New Washington Municipal Police Station sa pamunuan ng oil depot ng isang kompaniya na isailalim sa drug test ang lahat ng mga drivers na pumapasok doon.

Reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng suspek.