KALIBO, Aklan — Pormal nang nanungkulan bilang bagong Punong Barangay ng Old Buswang, Kalibo, Aklan si 1st Kagawad Josephine Roldan Mabasa matapos maglabas ng dismissal order ang Office of the Ombudsman laban sa dating punong barangay at barangay treasurer.
Si Mabasa ay nanumpa sa harap ni Kalibo Mayor Juris Sucro noong Nobyembre 5 bilang bahagi ng proseso ng kanyang pag-akyat sa puwesto sa pamamagitan ng succession.
Batay sa report, nag-ugat ang dismissal order sa mga kakulangan sa pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento at hindi pag-liquidate ng ilang gastusin para sa taong 2021 hanggang 2022. Napag-alamang napatunayang guilty ang dating mga opisyal kaugnay ng mga naturang paglabag, sa kabila ng anim na buwang palugit na ibinigay sa kanila upang makumpleto ang mga kinakailangan.
Samantala, patuloy na nakipag-ugnayan ang konseho sa Department of the Interior and Local Government (DILG), upang humingi ng kaukulang gabay at payo hinggil sa mga hakbang na dapat nilang isagawa sa gitna ng pagpapalit ng administrasyon.
Sa kasalukuyan ay wala pang pormal na turnover ng mga ari-arian at kagamitan ng barangay. Nagpapatuloy pa umano ang kanilang mga pagpupulong at inventory upang matiyak ang maayos na pagtatala ng mga pag-aari ng pamahalaang barangay.
Nabatid na nagsisilbi na bilang barangay kagawad si Mabasa mula pa noong 2010 at kasalukuyang nasa kanyang huling termino. Inamin din niyang wala talaga siyang planong tumakbo o umupo bilang punong barangay dahil nais na sana niyang magpahinga matapos ang ilang taong paglilingkod sa konseho.
Sa kanyang panunungkulan, inaasahang bibigyang-pansin ang pagpapanatili ng kapayapaan, kaligtasan at pagkakaisa sa komunidad, gayundin ang maayos na pamamahala at paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mga nasasakupan.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng integridad, pagpapakumbaba, pagiging makatarungan at pakikipagtulungan sa mga miyembro ng Sangguniang Barangay at mga kawani upang maisulong ang mga programang makatutulong sa pag-unlad ng komunidad.
Sa kabila ng mga hamong kaakibat ng kanyang bagong posisyon, hangad ni Mabasa na maging maayos ang pagpapatuloy ng serbisyo publiko at mapanatili ang tiwala ng mga mamamayan ng Old Buswang.













