-- ADVERTISEMENT --

Isinasailalim na ng Office of the Ombudsman sa serye ng validation ang ulat mula sa Senado kaugnay ng umano’y flood control scandal. Ang naturang report ay nagmula sa Senate Blue Ribbon Committee matapos ang mga isinagawang pagdinig.

Ayon kay Jesus Crispin Remulla, makatutulong ang ulat upang mapalawak ang imbestigasyon at magsilbing batayan sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot. Gagamitin din ito upang palakasin ang patuloy na fact-finding investigation ng Ombudsman.

Sa kasalukuyan, nasa 35 hanggang 45 na imbestigasyon na ang isinasagawa kaugnay ng mga proyekto sa flood control. Inaasahang may mga kasong maaaring maisampa bago Setyembre 2025, kabilang ang laban sa mga indibidwal na sangkot sa proyekto at may posibleng conflict of interest.

Samantala, inihahanda na rin ang ikalawang draft ng mga reklamo laban sa ilang personalidad na iniimbestigahan sa umano’y “conspiracy to commit plunder,” bagamat hindi pa pinapangalanan ang mga ito. Iginiit naman na itinaas ng Ombudsman ang pamantayan sa imbestigasyon at hindi ito ginagamit bilang kasangkapan laban sa sinuman.