Kumpirmado ng mga mananaliksik ang pagkakadiskubre ng isang napakabihirang kulay kahel na nurse shark na may puting mga mata sa baybayin ng Costa Rica—ang kauna-unahang kaso ng ganitong uri sa Caribbean.
Nahuli ang anim na talampakang pating sa isang sport fishing trip malapit sa Tortuguero National Park, sa lalim na 37 metro. Pinaniniwalaang mayroon itong xanthism, isang kondisyon sa pigmentation na nagdudulot ng dilaw o gintong kulay dahil sa kakulangan ng red pigment.
Karaniwang kayumanggi ang nurse shark para makapagtago sa seabed, ngunit ayon sa mga siyentipiko, mas lantad at mas madali itong mabiktima ng mga mandaragit dahil sa kakaibang kulay at mapuputing mata.
Ayon sa Federal University of Rio Grande, ito ang unang naitalang kaso ng xanthism sa mga cartilaginous fish gaya ng pating, ray, at skate. Nagpakita rin ang pating ng katangian ng albinism. Posibleng dulot ng genetic mutation, diyeta, o kapaligiran ang kondisyon. Iginiit ng mga eksperto ang pangangailangan ng mas malalim na pag-aaral sa genetics ng mga pating sa rehiyon. Ang xanthism ay itinuturing na napakabihira at kakaunti lamang ang naitalang kaso sa iba’t ibang hayop. via Remate