Bumaba nang malaki ang food poverty sa bansa noong ikaapat na quarter ng 2025, ayon sa pinakabagong Tugon ng Masa survey ng OCTA Research, na iniuugnay sa mga programa ng pamahalaan para gawing mas abot-kaya at mas madaling ma-access ang pagkain.
Batay sa survey, bumagsak mula 49% noong ikatlong quarter patungong 30% noong ikaapat na quarter ang bilang ng mga Pilipinong itinuturing ang kanilang sarili na food-poor—katumbas ng 19 na porsiyentong pagbaba.
Tinatayang nasa limang milyong pamilya ang hindi na itinuturing ang kanilang sarili na hirap sa pagkain, isa sa pinakamabilis na pagbuti na naitala sa kasaysayan ng survey.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ipinapakita ng resulta na epektibo ang mga hakbang ng gobyerno sa pagtiyak ng sapat na suplay ng pagkain at pagkontrol sa presyo.
Itinuro niya ang pinalawak na P20-per-kilo rice program na inaasahang makikinabang ang hanggang 15 milyong kabahayan at ipagpapatuloy hanggang matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2028.
Ipinakita rin ng survey na bumaba ang kabuuang antas ng kahirapan, mula 54% patungong 37% ang mga Pilipinong nagsabing sila ay mahirap.
Bahagyang tumaas naman ang gutom mula 11% patungong 16%, bagama’t karamihan sa mga apektadong pamilya ay nagsabing minsan o ilang beses lamang nila ito naranasan.












