Umabot na sa P3.78 bilyon ang nakumpiskang puslit na produktong agrikultural sa loob ng 17 buwan, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sa ulat na isinumite sa Senate agriculture committee ni Sen. Francis Pangilinan, iniulat ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na 182 operasyon ang isinagawa mula Enero 2024 hanggang Hulyo 2025.
Ayon kay Tiu Laurel, 20 importer na ang ipinasok sa blacklist, kabilang ang 13 na walang lisensya.
Isa sa mga kasong binabantayan ay isang importer ng sibuyas na kasalukuyang nakakulong sa Manila City Jail.
Bagama’t nakapagtala ng mga tagumpay, binigyang-diin ng kalihim na limitado ang kapangyarihan ng DA dahil wala itong direktang enforcement power sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act (RA 12022).
Mas mahirap din umano ang pag-usig dahil tinaasan ang threshold para maituring na economic sabotage ang kaso.
Nanawagan si Tiu Laurel ng mas mahigpit na koordinasyon sa Bureau of Customs at Food and Drug Administration, gayundin ang pagtatatag ng permanenteng sekretaryat na pamumunuan ng DA.