-- ADVERTISEMENT --

Ipinagpapatuloy ng Department of Agriculture (DA) ang pagtatakda ng maximum suggested retail price (MSRP) na PHP43 kada kilo para sa imported rice na may 5 porsiyentong broken grains, kahit na ipatutupad ang 60-araw na rice import ban simula Setyembre.

Batay sa Bantay Presyo ng DA noong Agosto 13, ang presyo ng premium imported rice sa Metro Manila ay nasa pagitan ng PHP42 hanggang PHP48 kada kilo, habang ang lokal na premium rice ay nasa PHP42 hanggang PHP60.

Ang import ban na aprubado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay inilaan upang maprotektahan ang lokal na magsasaka mula sa pagbagsak ng presyo ng palay sa panahon ng wet harvest na karaniwang umaabot sa Oktubre.

Hindi sakop ng ban ang specialty rice tulad ng Japanese, black, at basmati rice.

Ayon sa Bureau of Plant Industry, umabot na sa 2.58 milyong metric tons ang naitalang rice imports hanggang Agosto 7.

-- ADVERTISEMENT --

Posibleng pahabain o paikliin ang suspensiyon ng import depende sa galaw ng presyo ng bigas sa merkado at resulta ng wet harvest season.