HEALTH News — Nanguna si Senador JV Ejercito sa paghahain ng kanyang sampung prayoridad na panukalang batas sa Senado, kabilang ang panukalang P74.4 bilyong supplemental budget para sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth). Layunin nito na palakasin ang sistema ng kalusugan at ituloy ang pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) Law.
Bilang pangunahing sponsor ng UHC Act, iginiit ni Ejercito ang pangangailangan ng karagdagang pondo upang maiwasan ang kakulangan sa pondo ng PhilHealth. Nakapaloob sa panukala ang pagpopondo sa premium ng mga indigent, senior citizens, at persons with disabilities, pati na rin ang pagpapabuti ng mga benepisyo at pagbibigay ng coverage sa mga lugar na apektado ng kaguluhan.
Ang lahat ng panukalang batas ni Ejercito ay kabilang sa unang 10 Senate bills ng ika-20 Kongreso. Siya rin ang nakakuha ng unang slot sa unang round ng paghahain ng mga panukala, samantalang si Sen. Joel Villanueva ang mangunguna sa ikalawang round sa Hulyo 7.