Kinondena ng pamahalaan ng Pilipinas ang isinagawang airstrike ng Israel sa Doha, Qatar, na ikinasawi ng isang Qatari security official at limang miyembro ng Hamas.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), malubhang paglabag ito sa international law at nanawagan ng agarang at permanenteng ceasefire sa Gaza, pati ng mas maigting na proteksyon sa mga sibilyan at pagsulong ng pangmatagalang kapayapaan sa Gitnang Silangan.
Tiniyak ng DFA na ligtas ang mahigit 220,000 Pilipino sa Qatar at pinayuhang manatiling kalmado.
Ayon kay Dr. Henelito Sevilla, eksperto sa international relations, inaasahan ang ganitong tindig ng Maynila dahil sa matatag na paninindigan nito sa soberanya at international law.
Kinumpirma naman ng Israel Defense Forces na tinarget nila ang liderato ng Hamas gamit ang precision munitions upang maiwasan ang pinsala sa sibilyan.