-- ADVERTISEMENT --

Posibleng lalo lamang magpalala sa krisis pang-ekonomiya ng bansa ang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit 2026.

Ito ang naging pahayag ni Elmer Forro ng BAYAN Panay, na nagsabing hindi maikakaila ang matinding krisis na nararanasan ng mga Pilipino, kabilang ang mataas na inflation at kakulangan ng pondo para sa mga pangunahing serbisyo tulad ng serbisyong pangkalusugan.

Sa kabila nito, tinatayang aabot umano sa P22 bilyon ang gagastusin ng pamahalaan para lamang sa mga bisita ng nasabing pagtitipon. Ayon kay Forro, hindi direktang makikinabang dito ang mamamayan dahil layunin umano nitong isulong ang mga patakarang pang-ekonomiya na isa rin sa mga dahilan ng kasalukuyang krisis.

Isa rin sa mga kinuwestiyon niya ang pagsusulong sa pagtatatag ng Pax Silica sa bansa, na tinututulan din umano ng ilang miyembro ng ASEAN.

Ipinangangako naman ng mga nagsusulong nito na makalilikha ito ng mas maraming trabaho at makapagdudulot ng karagdagang pamumuhunan.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, ayon kay Forro, matagal nang umaasa ang Pilipinas sa mga dayuhang mamumuhunan ngunit hindi pa rin umano nararamdaman ang pag-unlad ng bansa, habang patuloy naman ang pagtaas ng pagkakautang nito.

Binigyang-diin din niya na hindi sapat ang sahod na natatanggap ng maraming manggagawa, kaya’t kuwestiyonable rin umano kung makalilikha ng dekalidad na trabaho ang mga naturang pamumuhunan.

Dagdag pa niya, posibleng samantalahin lamang ng mayayamang bansa, partikular ng Estados Unidos sa ilalim ng pamumuno ni US President Donald Trump, ang mga oportunidad na maidudulot ng nasabing mga kasunduan.

Dahil dito, patuloy umanong nababahala ang kanilang grupo sa posibleng epekto ng mga kasunduang mabubuo sa nasabing pagtitipon.

Ayon kay Forro, tinututulan ng ilang mamamayan ang pagdalo ni US President Donald Trump at ang pagdaraos ng ASEAN Summit sa Pilipinas dahil nangangamba silang sa halip na makatulong sa pag-unlad ng bansa ay lalo lamang itong magdudulot ng mas malaking problema at krisis.