-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Pagiging focused sa kanyang goal ang naging susi ni Johannah Marie Gerardo Acevedo, tubong Lezo, Aklan sa kanyang naging tagumpay sa pagkuha ng November 2025 Philippine Nurses Licensure Examination, kung saan nakamit nito ang Top 1 sa nasabing pagsusulit.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Kalibo,  sinabi niya na hanggang sa ngayon ay halos hindi pa siya makapaniwala na nanguna sa board exam.

Aminado si Acevedo na makapasok lamang sa Top 10 ang kanyang target, subalit sobra-sobra pa ang ibinigay sa kanya.

Dagdag pa nito na sinipagan talaga nila ang pag-review dahil sa pressure na kung hindi man mapantayan ay malampasan ang naging achievement ng mga naunang board exam takers nila.

Malaking tulonng umano ang kanilang review center gayundin ang mga taong nagsubaybay at tumulong sa kanila dahil halos lahat ng kanilang mga pinag-aralan ay lumabas sa araw ng exam.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na maliban sa nakamit ng kanilang Batch Avani ang perpektong 100% passing rate ay nakakamangha rin na 36 sa kanila ay napabilang sa  topnotchers,  isang tagumpay na wala pang nakakagawa saan mang panig ng bansa.

Si Acevedo ay nagtapos ng Bachelor of Science in Nursing sa West Visayas State University, La Paz, Iloilo City bilang Magna Cum Laude.

Kasama niya sa  Top 1 rank ang kanyang  kaklase at malapit na kaibigan na si  George Wilson Tan Escordial na kapwa nakakuha ng rating na 93.80 percent.

Sa ngayon ay wala pa siyang balak sa hinaharap at ang tanging pinaghahandaan ay ang kanilang magiging oath taking.