NEW WASHINGTON, Aklan — Sa muling pagbalik sa pwesto, binigyang-diin ni New Washington Mayor Shimonette Peralta-Francisco na kaniyang ibabalik ang mga programang magpapalakas sa serbisyong kalusugan.
Ayon sa alkalde, ang isa sa mga nangungunang prayoridad ng kaniyang administrasyon ay pagkaroon ng sapat na anti-rabies vaccine laban sa kagat ng aso at pusa upang maiwasan ang pagkalat ng rabies sa komunidad.
Kaugnay nito, nagpulong na aniya ang Department of Agriculture (DA) at ang kaniyang mga field workers upang mapalakas ang bakuna laban sa rabies.
Dagdag pa ni Mayor Francisco na ibabalik din niya ang availability ng maintenance na gamot para sa mga matatanda lalo na ang amlodipine at losartan.
Sa kabilang dako, nangako rin ang alkalde na tututukan ang peace and order situation partikular ang pagpapalakas sa kampanya laban sa iligal na droga at sugal.
Samantala, inihayag pa nito na magiging Mayor siya sa lahat ng mga taga-New Washington, nagsuporta man o hindi noong panahon ng eleksyon.
Muli rin nitong ipinaabot ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng mga mamamayan ng New Washington sa ipinagkaloob na tiwala at suporta kung kaya’t naipanalo niya ang nakaraang eleksyon.
Nais din nito na sa loob ng tatlong taon ng kaniyang bagong termino ay mapaganda ang pamumuhay ng mga taga-New Washington.