-- ADVERTISEMENT --

Nagkasundo sina Budget Secretary Amenah Pangandaman at Public Works Secretary Vince Dizon na tapusin ang pagsusuri sa panukalang 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa loob ng dalawang linggo, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na silipin muli ang badyet dahil sa umano’y iregularidad at dobleng paglalagay ng proyekto.

Umaabot sa 700 pahina ang kabuuang plano ng DPWH para sa susunod na taon, at sisimulan na ng Department of Budget and Management (DBM) at DPWH ang pagrepaso sa mga proyektong tinukoy ng Kongreso na may anomalya.

Pansamantala namang itinigil ng Kamara ang deliberasyon sa National Expenditure Program (NEP) para sa 2026 at ibinalik ito sa DBM habang hinihintay ang mga pagbabago.

Ayon kay Pangandaman, posibleng bumaba ang alokasyon ng DPWH depende sa resulta ng pagsusuri. Bagaman handa ang DBM sa posibleng reenacted budget, sinabi ng kalihim na mas makabubuting maipasa ang bagong badyet upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya sa nalalabing tatlong taon ng administrasyon.