Nagsadya sa National Bureau of Investigation (NBI) si Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro upang i-report ang isang Facebook page na umano’y nag-post ng nilalamang maaaring ituring na banta sa kanyang buhay.
Iniulat ni Castro ang isang post mula sa Facebook page na “Luminous by Trixie Cruz-Angeles and Ahmed Paglinawan,” na naglalaman ng marahas na pahayag laban sa kanya at kritisismo sa kanyang papel bilang opisyal ng administrasyong Marcos.
Ayon kay Castro, layunin ng kanyang pagpunta sa NBI na maitala nang pormal ang insidente habang pinag-aaralan pa kung magsasampa ng kaukulang kaso. Nilinaw rin niyang kilala niya ang isa lamang sa mga pangalang nakapaloob sa naturang page.
Binigyang-diin ni Castro na bagama’t iginagalang ang kalayaan sa pagpapahayag, hindi ito dapat gamitin bilang dahilan upang magbanta sa buhay ng sinuman. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.













