-- ADVERTISEMENT --

Itinuring ng Malacañang na walang sapat na batayan ang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at iginiit na ang mga naging hakbang ng Pangulo ay alinsunod sa batas at sa Konstitusyon.

Ayon sa Palasyo, wala pa itong natatanggap na kopya ng reklamo kaya limitado ang detalye ng kanilang tugon. Gayunman, binanggit na ang mga isyung inilalahad sa reklamo ay dati na umanong natalakay at nasagot.

Nilinaw rin ng Malacañang na ang Pangulo ay patuloy na kumikilos sa loob ng legal na proseso at walang paglabag sa kanyang mga tungkulin bilang pinuno ng bansa.

Kaugnay nito, lumutang din na isa sa mga grupong nag-endorso ng impeachment complaint ay dating nabanggit sa mga imbestigasyon kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Ang reklamong impeachment ay inihain ng isang abogado at inendorso ng isang party-list congressman, na naglalaman ng mga paratang tulad ng paglabag sa Konstitusyon, pagtataksil sa tiwala ng publiko, usapin sa pag-aresto sa dating pangulo, at umano’y katiwalian sa mga proyekto sa flood control.

-- ADVERTISEMENT --

Ito ang kauna-unahang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Marcos mula nang maupo siya sa puwesto noong 2022.