-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Nagdadalamhati ang pamilya ng pinatay na si Ibajay Vice Mayor Julio Estolloso na kasalukuyang nakaburol sa kanilang tahanan sa Brgy. Mangan, Banga, Aklan.

Labis na hinagpis ang nararamdaman ni Mrs. Arlene Estolloso, maybahay ng 50 anyos na bise alkalde sa nangyaring pagbaril-patay sa kanyang asawa ng kaalyadong konsehal na si Mihrel Senatin, umaga ng Biyernes, Agosto 8, 2025 sa loob ng kanyang tanggapan sa Sangguniang Bayan session hall.  

“Paga-obrahon namon ro tanan  nga mataw-an gid a it hustisya ro akon ngara nga asawa sa anang gin-obra ngara. Indi pwedeng ipabawalang bahala a namon ra. Unfair gid a ro kabuhi,  ham-an it imaw gid a ro ginbo-oe sa kaabu-abo nga maeain nga tawo sa kalibutan. Ham-an imaw pa ro nakita ni Mihrel,”  sabi ng asawa ni Vice Mayor Estolloso na si Arlene. (“Gagawin namin ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang aking asawa sa kanyang ginawa. Hindi puwedeng ipawalang bahala namin ito. Unfair talaga ang buhay, bakit siya pa ang kinuha sa dinami-dami ng mga masasamang tao sa mundo. Bakit siya pa ang nakita ni Mihrel,”

Ayon pa sa kanya na napakabait at malambing ang kanyang asawa.  Nangungulila na umano siya sa kanyang pagmamahal at nag-aalala sa katotohanan na mag-isa na lamang niyang bubuhayin ang kanilang dalawang anak.

-- ADVERTISEMENT --

Wala umano itong kaaway at mahal siya ng mga tao sa bayan ng Ibajay.

Aminado rin si Mrs. Estolloso na isang beses ay naikwento sa kanya ng kanyang mister ang paulit-ulit na lamang na paghingi ng kopya ng mga ordinansa ng suspek na si Sangguniang Bayan member Senatin.

Aniya, posibleng may personal itong problema sa loob ng kanilang bahay at sa kanyang asawa ibinunton ang galit noong araw na iyon.

Ngayon, agarang hustisya ang hinihingi ng pamilya sa pagpatay sa opisyal.

Naunang iniulat ng Ibajay Municipal Police Station na nakarinig umano ng anim o higit pang putok ng baril ang mga saksi matapos na pumasok ang suspek sa Sangguniang Bayan Office at lapitan si Vice Mayor Estolloso para humingi ng kopya ng mga lokal na ordinansa na ipinasa sa kanyang termino.

Si Senatin ay naaresto sa tirahan nito at isinailalim na sa inquest proceedings sa kasong murder.

Sa press conference, sinabi ni Ibajay Mayor Jose Miguel Miraflores na pareho lang trato ng bise alkalde sa lahat ng mga konsehal. Nagulat rin umano sila sa pahayag ng suspek na pakiramdam niya ay left out o binabalewala siya ng biktima.

Dahil sa insidente, sinimulan ngayong araw ng Lunes, Agosto 11 sa Ibajay municipal office ang pagkakaroon ng isang entry at exit point at pagsasagawa ng inspeksyon bago makapasok.

Sinimulan rin ang pagsasagawa ng stress debriefing sa mga empleyado sa munisipyo matapos masaksihan ang pangyayari.