-- ADVERTISEMENT --

HEALTH News — Naglabas ng babala ang Philippine Heart Association (PHA) kaugnay sa paulit-ulit na pananakit, pamamanhid, o panlalamig ng binti, na maaaring palatandaan ng limb ischemia (LI) — isang seryosong kondisyon sa ugat na may kaugnayan sa atake sa puso, stroke, at posibleng kamatayan kung hindi maagapan.

Ayon kay Dr. Paolo Joel Nocom ng PHA, ang LI ay hindi simpleng problema sa sirkulasyon ng dugo sa binti kundi indikasyon ng mas malawak na isyu sa cardiovascular system.

Kabilang sa mga sintomas ng LI ang pamumutla, pamamanhid, panlalamig, at sugat sa paa na hindi naghihilom.

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng agarang lunas sa acute limb ischemia na maaaring humantong sa pagputol ng paa o pagkamatay. Sa kaso naman ng critical limb ischemia, na madalas nararanasan ng mga may diabetes, altapresyon, at sakit sa puso, mas mataas ang posibilidad ng stroke at heart attack.

Dahil limitado at mahal ang gamutan tulad ng angioplasty at bypass surgery sa bansa, hinimok ng PHA ang publiko na magpasuri nang maaga, sundin ang tamang gamot, at magsagawa ng pagbabago sa pamumuhay upang maiwasan ang matinding komplikasyon.

-- ADVERTISEMENT --