Inanunsyo ng Malacañang na bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lifestyle check, kabilang ang paglalabas ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), kasunod ng imbestigasyon sa katiwalian sa mga flood control projects.
Nag-ugat ang panawagan para sa transparency matapos mabunyag ang umano’y magarang pamumuhay ng ilang opisyal at kontratista. Hinikayat ng oposisyon at mga civil society group, kabilang si Senador Risa Hontiveros, ang Pangulo na isapubliko ang kanyang SALN.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, bahagi ng lifestyle check ang pagsusumite ng SALN at saklaw nito ang buong ehekutibo, kabilang si Marcos.
Samantala, nananatiling mainit ang isyu ng umano’y ill-gotten wealth ng pamilya Marcos noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., kung saan $3.6 bilyon na ang nabawi mula sa tinatayang $10 bilyon.
Sa gitna ng kampanya kontra korapsyon, nananawagan ang ilang grupo na manguna si Marcos sa pagpapakita ng transparency upang patunayan ang sinseridad ng kanyang administrasyon.