Naghain si House Majority Leader Sandro Marcos ng House Bill 8190 o Proposed Anti-Road Rage Act upang kilalanin ang road rage bilang hiwalay na krimen at magpataw ng mas mabigat na parusa sa agresibong pagmamaneho.
Sa ilalim ng panukala, papatawan ng hanggang isang taong pagkakakulong o multang PHP100,000 ang mga lalabag kung walang naidulot na pinsala, at hanggang apat na taong kulong o multang PHP200,000 kung may nasirang ari-arian o nasugatan. Kapag nagresulta sa seryosong pinsala o kamatayan, sasampahan ang akusado ng kasong intentional felony sa ilalim ng Revised Penal Code, na may pinakamataas na parusa at multang hanggang PHP500,000.
Itinuturing ding nagpapabigat na kalagayan ang paggamit ng sandata o baril at kung kabilang sa mga bulnerableng sektor ang biktima. Nakasaad din ang agarang suspensiyon ng lisensiya habang iniimbestigahan ang kaso at tuluyang diskuwalipikasyon sa pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho at pagdadala ng baril kapag napatunayang nagkasala.













