Naghain si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III ng panukalang batas na mag-oobliga sa mga pribadong employer na magbigay ng 14th month pay sa mga manggagawa, bukod sa kasalukuyang 13th month pay.
Giit ni Sotto, hindi na sapat ang 13th month pay dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa ilalim ng Senate Bill 193, ilalabas ang 13th month pay tuwing Hunyo 14 at itatakda naman sa Disyembre 24 ang pagbibigay ng 14th month pay.
Sakop nito ang lahat ng rank-and-file employees sa pribadong sektor, mga kasambahay, at iba pang karapat-dapat sa 13th month pay.
Katumbas ito ng dagdag na isa pang buwang sahod, o dalawang buwang ekstra kada taon.
May exemptions para sa ilang employer tulad ng kumpanyang nalulugi, non-profit institutions na bumagsak ang kita ng higit 40%, at mga employer na nagbibigay na ng 14th month pay o higit pa.
Sa nakaraang Kongreso, hindi nakalusot ang mga katulad na panukala.
Muling isinusulong ito ngayon kasabay ng mga panukalang dagdag-sahod para sa mga manggagawa.