Inaprubahan ng Senado sa botong 17-0 ang panukalang batas na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo dulot ng tensyon sa Middle East.
Sa ilalim ng panukala, kinakailangang magsumite ang Pangulo ng ulat sa Kongreso hinggil sa batayan, epekto sa kita ng pamahalaan, implasyon, presyo ng langis, at posibleng epekto nito sa merkado, na magsisilbing gabay sa pagpapatuloy o pagbabago ng hakbang.
Isinama rin ang mga amyenda nina Senators Risa Hontiveros, Sherwin Gatchalian, at Panfilo Lacson, kabilang ang mas mahigpit na monitoring sa presyo ng petrolyo at mungkahing pagtutok sa targeted subsidies para sa mga apektadong sektor.
Naipasa ang panukala sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa parehong araw matapos itong sertipikahang urgent, at inaasahang mararatipika ng Kongreso ang pinal na bersyon bago ang Lenten break.













