KALIBO, Aklan — Pabor ang isang kilalang negosyante sa Boracay sa panukalang pagpapatayo ng kontrobersiyal na Boracay Bridge Project na kokonekta sa isla at mainland, Malay.
Ayon kay Crisostomo “Cris” Aquino, may-ari ng dinimolish na sikat na West Cove resort na dati nang binansagang Pacman’s resort na malaking tulong ang tulay upang mapa-ayos ang galaw ng mga commuters, kung saan maaari nang makakuha ng accomodations ang mga turista sa labas ng isla.
Dagdag pa nito na magiging madali na ang paghahakot ng mga basura palabas ng isla papuntang mainland na nakaka-apekto sa imahe ng Boracay gayundin na magiging mabilis na ang pag-transport ng mga goods and supplies.
Ayon pa kay Aquino, isa umano sa mga binabalak ay bibigyan lamang ng isang lugar sa bahagi ng pantalan ang mga papayagang sasakyang papasok ng isla at hindi sila otorisadong makapaglibot sa kahit saang lugar sa Boracay.
Samantala, hindi siya naniniwala na makaka-apekto sa kabuhayan ng mga negosyante sa Boracay ang pagpapatayo ng tulay.
Sa katunayan, nangangailangan na aniya na magkaroon ng expansion upang makasabay ang Boracay sa iba pang mga sikat na tourist destination katulad ng Thailand, Indonesia at iba pang tourist spot sa bansa.