-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan—Sang-ayon si Atty. Harry Sucgang, political analyst sa Aklan ukol sa isinusulong na Senate Bill 396, o “Parents Welfare Act of 2025” ni Senador Panfilo Lacson.

Aniya, malaking tulong ito sa mga matatanda sa bansa dahil sa kabiguan ng gobyerno na matugunan ang kanilang mga pangunahing kailangan dulot ng kakulangan sa pondo.

Nagpapakita umano ito na nananatiling matibay ang kultura ng mga Pinoy na “close family ties” o pamilya na nagtutulungan at malapit sa isa’t isa.

Sa kabila nito, inihayag ni Atty. Sucgang na hindi dapat ito ipatupad bilang tungkulin sa mga anak.

Dahil sa responsibilidad ng mga magulang na ibigay ang basic needs ng kanilang mga anak, hindi kailangang gawin ito bilang utang na loob ng anak sa kanilang magulang.

-- ADVERTISEMENT --

Kung maayos aniya ang relasyon ng pamilya, awtomatiko na ang pagtulong at pag-aalaga sa mga magulang na may sakit o mahina na ang pangangatawan dahil sa katandaan.

Kasalukuyang isinusulong sa Senado ni Senador Ping Lacson ang ‘Parents Welfare Act of 2025’, isang panukala na naglalayon na parusahan ang mga anak na mag-aabandona sa mga matatanda at may sakit na magulang sa panahon ng pangangailangan.

Sa ilalim ng proposed bill, ang magulang ay maaaring mag-file ng petisyon sa korte upang magpalabas ng court order sa anak para magbigay ng suporta.

Ang sinumang anak na hindi susunod sa court order sa loob ng tatlong buwan ay maaaring parusahan ng hanggang sa 6 na buwan na pagkakulong at multang umaabot sa P100,000.

Umaabot naman sa P300,000 na multa at hanggang sa sampung taon na pagkakulong ang penalidad sa mga anak na lubusang mag-aabandona sa mga magulang na nangangailangan ng suporta.

Samantala, isinusulong din sa panukala ang pagtatayo ng ‘Old Age Home’ para sa may sakit o incapacitated parents.