Ikinagalit ng husto ng mga kaparian ang ginawa ng isang content creator na paglapastangan sa holy water basin ng Parish Church of St. John the Baptist sa Ozamis, Misamis Occidental na nagdulot sa pagpasarado sa simbahan upang makagawa ng ritwal na maibalik ang kabanalan nito.
Ayon kay Fr. Atty. Jude Rebaldo, parish priest of St. Isidore the Farmer Parish, Nabas, Aklan na hindi dapat tularan ang ginawa ng 28-anyos na vlogger dahil ang simbahan ay sagradong lugar ng Diyos kung saan, dinamay pa nito ang pananampalataya ng buong komunidad.
Ipinaliwanag pa ni Fr. Rebaldo na ang lahat ng bagay na ginagamit sa banal na misa gaya ng holy water, tabernacle at iba pa ay kung nilapastangan ito ay maaaring ipasara ang buong simbahan alinsunod sa kautusan ng Obispo o Arsobispo para makagawa ng penetensya.
Binigyaang diin ni Fr. Jude na dapat igalang ang lugar ng Diyos at kung katoliko ang gagawa ng kawalang-hiyaan sa kabanalan ng simbahan ay maaari itong itiwalag sa pagiging katoliko. Gayunpaman ang nakakatakot dito ay buhay pa ang katawan ngunit nasusunog na ang kaluluwa sa impyerno.