KALIBO, Aklan—Muling sinuspendi ni Aklan governor Jose Enrique Miraflores ang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan gayundin ang pasok sa tanggapan ng pamahalaan at maging sa pribadong sektor maliban sa mga nagbibigay ng pangunahing serbisyo ngayong araw ng Miyerkules, Nobyembre 5, 2025.
Ito ay upang bigyang daan ang pagsiuwian ng mga nagsilikas sa kani-kanilang pamamahay matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino na umabot sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 ang ilang bayan sa lalawigan ng Aklan.
Ang nasabing hakbang ay upang mabigyang pagkakataon ang mga pamunuan ng paaralan na maibalik sa dating ayos ang mga silid aralan na ginamit ng mga evacuess na kanilang pansamantalang sinilungan para sa kanilang kaligtasan sa kasagsagan ng masamang panahon.
Maliban dito, magsasagawa din ng assessment ang Aklan provincial government katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) at iba pang ahensya ng pamahalaan sa naging pinsala na iniwan ng Bagyong Tino sa lalawigan ng Aklan.
Samantala, nakatala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) region VI ng 23,454 families na lumikas sa mga nakatakdang evacuation centers mula sa 316 barangays sa lalawigan ng Aklan.
Ang nasabing bilang ay mula sa mga low lying at coastal areas sa iba’t ibang bayan dahil sa itinaas sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 ang ibang bayan sa Aklan, araw ng Martes sa kasagsagan ng pagtama ng Bagyong Tino sa Panay Island.













