-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Sumampa na sa tatlo ang patay habang pitong iba pa ang nawawala matapos tumaob ang dalawang motorbansa sa karagatang sakop ng Caluya Antique at isla ng Boracay, madaling araw ng Lunes, Agosto 26.

Ayon sa Romblon Municipal Police Station, na-retrieve ang isa pang bangkay alas-5 kahapon ng madaling araw sa Looc Romblon.

Napag-alamang sa 20 pasahero na sakay ng dalawang bangka, 10 ang nailigtas na nasa maayos nang kalagayan sa San Jose District Hospital sa Carabao Island at naka-uwi na sa Caluya, Antique.

Isinalaysay ni Gary Patricio, 43-anyos, isang crew ng motorbanca na umalis sila sa Angol Point, Brgy. Manocmanoc sa Isla ng Boracay bandang alas-4:00 ng madaling araw at pauwi na sana sa Caluya, Antique .

Habang naglalayag, hinampas ng malalaking alon ang kanilang mga bangka sa kalagitnaan ng Isla ng Boracay at Caluya.

-- ADVERTISEMENT --

Inupahan  umano ang kanilang bangka upang mag-outing sa Boracay.

Samantala, isang putol na kamay ang nakitang palutang-lutang sa karagatang sakop ng Barangay San Jose, Dalahican, Roxas Oriental Mindoro na pinaghihinalaan na mula sa iba pang sakay ng mga bangka na pinaghahanap ng mga awtoridad.

Sa kabilang daku, nilinaw ng Philippine Coast Guard Aklan na hindi rehistrado ang naturang mga bangka.

Dahil dito, muli silang nagbabala sa mga pasahero ng mga sasakyang pandagat na iwasan ang pagtangkilik sa mga “fly-by-night” o “colorum” na bangkang de motor.

Nagpapatuloy ang search and rescue operation ng pinagsanib na pwersa ng PCG-Aklan, PNP Maritime, Philippine Air Force, at mga lokal na pamahalaan ng Aklan, Romblon at Antique.

Nabatid na ilan sa mga pasahero ng bangka ay nagtatrabaho lamang sa Caluya habang ang iba ay mismong mga residente.