Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahigpit na pagpapatupad ng probisyon sa 2026 General Appropriations Act (GAA) na nagbabawal sa mga pulitiko na makilahok sa pamamahagi ng tulong at iba pang tulong-pinansyal.
Pinasisiguro din ng Pangulo na direktang mapupunta ang pondo sa mga tunay na benepisyaryo at maiwasan ang patronage politics.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang lahat ng mga social services program ng gobyerno tulad ng AICS, TUPAD, 4Ps, at tulong para sa mga senior citizen at PWDs ay dapat ipatupad sa pamamagitan ng wastong proseso ng pamahalaan, na may prinsipyo ng “walang bawas, walang kulang.”
Ilang probisyon ng badyet ay sasailalim naman sa conditional implementation upang matiyak na umaayon sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Ayon sa Pangulo, layunin ng mga hakbang na ito na matiyak na ang mga programa ng pamahalaan ay magsusulong ng pangmatagalang kaunlaran ng bansa.













